State of the Nation Address of
His Excellency Benigno S. Aquino III
President of the Philippines
To the Congress of the Philippines
[Delivered at the Session Hall of the House of Representatives, Batasan Pambansa Complex, Quezon City on July 25, 2011]
Senate President Juan Ponce Enrile; Speaker Feliciano Belmonte; Bise Presidente Jejomar Binay; mga dating Pangulong Fidel Valdez Ramos at Joseph Ejercito Estrada; Chief Justice Renato Corona at ang ating mga kagalang-galang na mahistrado ng Korte Suprema; mga kagalang-galang na kasapi ng diplomatic corps; mga butihing miyembro ng Kamara de Representante at ng Senado; mga Local Government officials; mga miyembro ng ating Gabinete; mga unipormadong kasapi ng militar at kapulisan; mga kapwa ko nagseserbisyo sa taumbayan;
At sa mga minamahal kong kababayan, ang aking butihing mga boss:
Humarap po ako sa inyo noong aking inagurasyon at sinabing: Walang wang-wang sa ating administrasyon. At ngayon, patuloy nating itinitigil ito. Naging hudyat at sagisag po ito ng pagbabago, hindi lamang sa kalsada, kundi pati na rin sa kaisipan sa lipunan.
Sa matagal na panahon, naging simbolo ng pang-aabuso ang wang-wang. Dati, kung makapag-counterflow ang mga opisyal ng pamahalaan, para bang oras lang nila ang mahalaga. Imbes na maglingkod-bayan, para bang sila ang naging hari ng bayan. Kung maka-asta ang kanilang mga padrino’t alipores, akala mo’y kung sinong maharlika kung humawi ng kalsada; walang pakialam sa mga napipilitang tumabi at napag-iiwanan. Ang mga dapat naglilingkod ang siya pang nang-aapi. Ang panlalamang matapos mangakong maglingkod—iyan po ang utak wang-wang.



